BINATIKOS NI PRESIDENTIAL SON AT DEPUTY SPEAKER PAOLO DUTERTE ANG ISTILO NG PAMAMAHALA NI TOURISM SEC. BERNA PUYAT.
Sa kalagitnaan ng plenary deliberations ng 2020 proposed budget Huwebes ng gabi ay binigyan ng pagkakataon si Duterte para sa privilege speech nito.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na nakatanggap siya ng mga reklamo hinggil sa pamamalakad ni Puyat sa Department of Tourism (DOT), partikular na ang mga inaprubahang kontrata at proyekto ng ahensya.
Sinabi ng kongresista na noong Setyembre 17 pa niya balak mag-interpellate sa 2020 budget ng DOT para malinawan sa mga reklamong kanyang natanggap laban dito.
Subalit bilang bahagi ng napagkasunduan ng kanilang pre-plenary conference, minabuti aniya ni Speaker Alan Peter Cayetano na mag-usap na lang ang dalawa sa harap nito.
Pagkatapos ng kanilang naging pag-uusap, sinabi ng kongresista na akala niya ay naayos na ang lahat subalit nauwi lamang daw ito sa sumbungan ay mga maling paratang laban sa kanya.
Paliwanag nito, kaya siya nag privilege speech kasi nais niyang ipabatid sa publiko ang pangyayaring ito upang sa gayon ay malaman aniya ng lahat ang pag-uugali at karakter ng kalihim.